Filipino Poetry : "__________ (Part 2) ni jennybeans"

writing-923882__480.jpg
Pixabay

__________ (Part 2)
ni jennybeans


Simple at masaya ang naging relasyon natin
Tatambay sa plaza at sabay kakain
Kakantahan mo ng mga magagandang himig
Kasi sa ating dalawa ikaw lang ang biniyayaan ng magandang tinig

Hinahatid hanggang dun sa may kanto ng bahay
Takot ka kasi kay inay at itay
Pero may pagkakataon nun na nagkatabi kayo sa sasakyan
At walang alam si inay na sa atin ay may namamagitan

Nakita ko kung gaano ka kapursigido noon
Hihintayin ako kahit abutin pa ng hapon
Andyan ka para ako'y parating suportahan
At kahit anong oras man, ikaw ay maaasahan

Masiyahin kang tao
Maginoo at marunong rumespeto
Kahit na sadista ako at ugali'y di maintindihan
Ako parin ay iyong minahal ng lubusan

Kaya paano nga ba tayo nauwi sa ganito?
Ah tama, ikaw pala ang nagloko
Pinaglaruan mo lang ang damdamin ko
Pinagmukhang tanga't pinaniwala mo

Nagulat na lang ako sa mga balitang natanggap
Nung una'y ayaw pang maniwala
Pero kalauna'y nabisto rin ang iyong pagpapanggap
At walang nagawa kundi hayaan ang mga luhang kumawala

Lumipat ka nga kasi ng paaralan
Dahil kurso mo'y dun lang mapag-aaralan
Ngunit anyare? Paaralan lang ang ating napag-usapan
Di naman kasama ang maghahanap ka ng bagong pusong malilipatan

Pinagsabay mo kaming dalawa
Tinuhog at binola-bola mo pa
Parang street foods lang eh noh?
Kumusta naman? Mabilaukan ka sana

Saan nga ba yang bago mong paaralan?
Baka naman pwede ako diyan
Pag-aaralan lang kung pano ka makakalimutan
At maalis sa puso ko't isipan

Ngunit nang malaman mong ikaw ay nahuli ko na
Lumuhod ka sa akin, nagmakaawa't humihikbi pa
Humihingi ng pangalawang pagkakataon para sa ting dalawa
Mahal pa ko't nadarang lang at di sinasadya; yan ang yong wika

Pero kahilingan mo'y di pinagbigyan
Dahil meron din akong pinaniniwalaan at pinaninindigan
Kasi hindi ka naman kasi maghahanap ng iba
Kung ang pagmamahal ko sayo ay sapat na

"Boba ka talaga", yan ang sabi nila
Bumalik na nga, pinakawalan mo pa
Pero di kasi nila naiintindihan
Hindi nila alam ang tumatakbo sa aking isipan

Ayaw kong dalawa kami ang yong masaktan
Ayaw kong dalawa kami ang yong mapaglaruan
Ayaw ko na mandamay pa ng iba
Dahil babae at may damdamin rin siya

Seryosohin at mahalin mo na lang siya
Sikaping relasyon niyo'y magtatagal pa
Iwasang lokohin si ate girl at maging totoo na
At pipilitin kong maging masaya para sa inyo kahit sobrang hirap pa

Sa di inaasahan ako sa lamesa'y biglang nauntog
Dala siguro ito ng sobrang antok
Ang isip ko'y naalog
Kaya ito na lang ay aking itutulog

At nawa sa paggising ko
Magising na rin ako sa bangungot na to
Dahil napaghinuha kong masyado ko ng sinasaktan ang sarili ko
At dapat na akong mag-let go

Tutuldukan ko na ang kahibangang ito
Pero imbes tuldok ang gawing tandang panapos,
Tuldok na may kasamang kuwit ang nagawa ko
Naghihintay ng kasunod at di nais na sa ganito lang tayo magtapos



Lahat po ng tulang aking nagawa ay bunga lang nitong aking mapaglarong imahinasyon. Pawang walang katotohanan maliban na lang sa mangilan-ngilang akda na talaga namang hinugot pa mula sa kailaliman ng aking memorya para makagawa lang ng tulang makatotohanan at may emosyon hehehe..



U5dryacLKKpig2tysTaHYTxGFQtFrwZ_1680x8400.png

jennybeans.gif



Maraming Salamat sa Pagbisita

Sort:  

galing... parang naranasan mo ang lahat ng iyan... sanay kasinggaling mo rin ako sa pagsulat...

Salamat te @ladyjah.. May mga part na totoo especially yung mga first few stanzas pero yung ibang part, gawa-gawa ko lang hehe..

Hindi, sana'y maging kasinggaling mo rin ako sa pagsusulat lalo na pag gamit ang ibang wika.. Mahina ako sa Ingles eh hehe

Ito po pala ang dahilan kung bakit. Ngayon naintindihan ko na po. Pero sana po ay huwag ka na umasa sa kanya dahil masasaktan ka lang po muli. Sis @jennybeans, iwan mo na po siya. Humanap ka na lang ng iba. Huhuhu