Lumalagaslas ang malakas na tubig ulan sa kanyang bumbunan. Dumaloy ito sa magulo niyang buhok pababa sa kanyang humpak na pisngi. Nahugasan nang bahagya ang likido na namuo sa kanyang mga mata. Pilit pa rin niyang itinatanggi kung ano ang mga likido na iyon. Pero alam niya sa sarili kung ano ang mga iyon... luha.
Muli siyang humukay ng kapirasong lupa at itinapon sa likuran. Kanina pa siya humuhukay. Gaano ba kalalim ang gusto niya? Hindi rin niya matanto. Walang matibay na pagkagusto sa kanyang ginagawa. Labag sa kanyang kalooban ang paghuhukay... sa ganitong oras ng gabi... sa kalagitnaan ng malakas na ulan... sa madilim na bahagi ng kakahuyan. Pero wala siyang ibang pagpipilian kundi ang pilitin ang sarili. Kailangan niyang suungin at danasin ang takot at hirap na iyon para lamang maikubli ang kanyang kasalanan.
Sa murang edad na labing-anim ay nakuha na niyang magtago ng ganito kabigat na lihim. Nakayanan ng sentido niya na magplano ng ganito kasamang krimen. Nanumbalik sa alaala niya kung paano isinagawa ang maitim na balak. Nanariwa sa kanyang kunsensya ang malagim na pangyayaring kanina lang ay gumupo sa kanyang pagkatao.
Naglalakad sa madilim na bahagi ng eskinita ang kanyang kaibigan. Mga ilang metro ang layo mula sa mga kabahayan na naroon. At bago pa makaabot sa liwanag ang kanyang kaibigan, may isang matigas na bagay na ipinukol sa ulo nito. Dahilan para mawalan ito ng malay. Dahilan para maisagawa pa niya ang totoong balak. Dahilan para maitago ang nagngingitngit na poot. Dahilan para maipadama niya sa sarili na siya ang superyor... at walang makahihigit sa kanya.
Walang kamalay-malay na biktima ang kanyang kaibigan. Walang naging kasalanan ang kaibigan niya. Kung kasalanan ang pagpapakita ng husay, ng talino, ng lakas, ng paghahanda, at kabutihang asal... hindi siguro marapat na parusahan ang may gawa nito. Kailanman ay hindi buhay ang kailangang maging kapalit sa paggawa ng tama. Walang naging kasalanan ang kaibigan niya kundi pagbuhos ng lahat ng makakaya nito sa bawat gawain na itinalaga sa kanila.
Matapos hambalusin sa ulo ay kinaladkad ang kaibigan. Isinakay sa motor. Ang dating sasakyan nilang dalawa habang magkasamang tinatahak ang mga lugar na kanilang pinaglilibangan. Mga masasayang panahon ng kanilang pamamasyal. Mga hindi makakalimutang lakad na pinagplanuhan nila. Sa batis, ilog, mga bundok, sa parang, ang paglubog ng araw, ang matataas na punongkahoy na hitik sa bunga, mga insektong makukulay, mga ibon na kanilang ginagamitan ng tirador, mga tanim na gulay na kanilang inuumit sa karatig-bayan. Lahat halos ng kalokohan at kasiyahan ay magkasama sila. Sinong mag-aakala na mapapalitan pala lahat ito ng poot, ng galit, ng pangamba, takot... at inggit.
Itinabon niya ang natitirang tumpok ng lupa sa ibinaon na bangkay ng kaibigan. Nahugasan na ng ulan ang dugo sa kanyang mga kamay. Pero hindi nito mabubura ang kalyo na namuo sa kanina pa niya paggamit ng pala sa paghuhukay. Hindi kailanman mabubura ng tubig ulan ang pang-uusig sa kanya ng kunsensya. Hindi niya matatakasan ang patuloy na ingay at bulung-bulungan. Ang parusa ng kanyang ginawang krimen... ang pagkawala ng katinuan. Muli ay pinatag niya ang namuong balumbon ng lupa sa kanyang harapan. Pilit na pinapantay. Pilit na inaapakan ang lupang kinatitirikan ng labi ng dati niyang kaibigan.
Nakadama siya ng luwag sa dibdib nang maramdaman niyang hindi dumudulas ang mga paa niya habang nakatapak sa lupang nahaluan ng putik. Umusbong muli ang yabang sa katauhan niya. Tumawa siya nang malakas sa pag-aakalang tinatapakan niya ang puntod ng kaibigan... at ang kaisipan na nasa ibabaw siya ay isang metapora na mas nakahihigit siya dito. Muli ay tinutuya niya ang kaibigan sa pamamagitan ng pagtalon-talon sa ibabaw nito. Dinaig niya ang samu't-saring talento ng kaibigan sa pag-aakalang nagapi na niya ito. Tinatapak-tapakan lang niya ang lupa, katulad ng nais niya na tapak-tapakan lamang ang kanyang kaibigan.
Dahil sa kanyang pananaw, walang ibang dapat makahigit. Walang ibang dapat mangibabaw. Walang dapat maging angat. Walang dapat umabante at manguna. Siya lamang. Walang iba kundi siya lamang. Ayaw niya na nalalamangan siya. Ayaw niya na natatalo at napapahiya siya. Ayaw niya na may hihigit sa kanya sa kahit na anong larangan. Nilamon siya ng inggit.
At kanyang winika, "Sino na ang mas magaling ngayon?" Sabay dura sa lupa at tumalikod na paalis. Tumila na ang ulan. At kasabay ng pagtila ay ang pagtatapos din ng kanyang pagsisisi sa nagawa. Mas masaya na siya ngayon. Mas magaan ang loob. Mas nadagdagan ang angas. At mas mataas na ang tingin niya sa sarili.