Maligayang Kaarawan Aling Fanny!

in #steemph6 years ago (edited)

Kayong magkakapatid, ayusin nyo ang buhay niyo. Hindi yung pagtanda niyo aasa kayo sa mga anak niyo. Kami ng Papa mo, di baleng sa kalsada na lang kami manirahan pero hindi kami mang-iistorbo sa inyo kapag uugod-ugod na kami.

Isa iyan sa mga litanya ni Aling Fanny sa amin. Bata pa lang ako noon kaya hindi ko rin naman masyadong iniisip. Pero nakabisado ko dahil paulit-ulit. Ganoon naman yata talaga kapag nanay. Magiging ganoon din kaya ako?

image

Mula umaga hanggang bago matulog, walang pahinga si Mama sa pagkilos sa bahay pati na rin sa pagputak niya sa amin. May isa pa siyang linyahan dati na hindi ko rin malilimutan.

Dapat matuto kayong kumilos sa sarili niyo. Paano na lang pag wala na ako, tutunganga na lang kayo?

Napapaisip din ako noon at bilang masyado akong madikit sa nanay ko noon, tinatanong ko siya.

Hala, aalis ka Mama? Di mo ako isasama?

Medyo maluha-luha pa ako minsan nang tinanong ko yun. Na sinagot naman niya ng walang kaabog-abog.

Oo! Iiwanan ko na kayo dahil ang titigas ng ulo niyo. Ni hindi niyo kayang ilagay sa lababo ang mga pinagkainan niyo!

image

Sa takot ko noon na iwanan ng nanay, lagi ko nang nililigpit ang pinagkainan. Hanggang sa naging paborito ko nang gawain sa bahay ang paghuhugas ng pinggan. May teknik pang itinuro sa akin si Aling Fanny sa paghuhugas ng pinggan.

  • Unahin mo yung mga hindi mamantika tulad ng baso at tasa
  • isunod yung mga plato, huli na ang kutsara
  • Huwag gumamit ng maraming sabon dahil magastos di lang sa sabon, pati sa tubig na pambanlaw. Dapat kuskusin kong maigi ang mga hinuhugasan para hindi kailangan ng maraming sabon
  • Huwag kakalimutang is-isin ang mga puwetan ng kaldero at kawali para hindi mag-ipon ang uling
  • pinakahuling lilinisin ay ang lababo para hindi ipisin o langgamin

Paggising sa umaga, hindi pwede kay Aling Fanny yung tutunganga ka muna. Ligpitin mo na dapat agad ang hinigaan mo. Wala kaming sari-sariling kuwarto kaya pag nagising ka siya, dapat ay gumising na rin kami. Mabubuhusan ng malamig na tubig amg mahuhuling bumangon. Hindi kami pwedeng magreklamo dahil kabilin-bilinan niya sa amin na matulog nang maaga.

Kahit Sabado at Linggo, hindi pwedeng magbababad ka sa higaan. Maraming kailangang gawin tulad ng paglalaba, pag-iigib, pagsamsam at pagtitiklop ng mga sinampay at kung anu-ano pa. Parang napakalawak ng isipan ng nanay ko at hindi siya nawawalan ng ipagagawa niya sa amin.

Isa siyang maybahay at sandaling panahon niya lang naranasan ang mamasukan sa isang kompanya. Mas ginusto niyang tutukan ang pagpapalaki at pagdidisiplina sa amin kaysa kumita ng pera. Pero masasabi kong matapang siya. Kasi napansin ko na ang layunin niya ay ang dumating ang panahon na kaya na naming tumayo sa sarili naming mga paa. Yung panahon na hindi na kami Ma nang Ma kapag may kailangan kami.

image
Pinagkunan

Tinuruan niya akong manahi, maggantsilyo, magtirintas ng buhok (marami palang istilo ng pagtitirintas), at lagi niyang paalala sa akin na ang isang babae ay hindi dapat makukulangan ng kakayahan. Dapat ay marami akong alam dahil hindi pwedeng aasa lang daw ako sa mapapangasawa ko.

Kung puro tunganga lang ang alam mo, mabubuntis ka lang at iiwanan ng asawa mo!

Tingin ko, mag issue talaga si mama kapag nakikita niyang nakaupo lang kami at walang ginagawa. (Yung totoo Ma, bawal magpahinga?)

Pero kahit na matalak ang Nanay ko, (na minsan ay nakakahiya rin talaga lalo noong magdadalaga ako at may mga umaakyat na ng ligaw) namamangha pa rin ako sa karakter niya. Sa kanya ko natutunan ang pagiging mapagpakumbaba. Lagi niyang sinasabi na hayaan ko raw na mapansin na lang ng iba ang gawa ko. Mas masarap sa pakiramdam ang ganoon.

Habang ang mga nanay sa eskwelahan ay nagyayabangan tungkol sa grades ng anak nila, ang linyahan ng nanay ko ay iba.

Hindi naman masipag kasi mag-aral yang si Rumilen (waray ang nanay ko kaya ganyan ang bigkas niya ng ngalan ko). Puro laro. 90 lang tuloy ang average.

At napasok ako sa scholarship.

Habang ang ibang nanay ay nagdi-display ng mga medalya ng mga anak nila sa mga dingding nila, ang nanay ko kakaiba.

Anong gagawin ko sa medalya na iyan? Pwede bang isanla iyan?

Akala ko noon wala siyang pakialam sa mga ginagawa ko. Pero nito-nito lang, napagkaalaman ko na patago ay proud na proud siya sa akin. Itinatago niya kasi ayaw niyang magkaroon kami ng inggitan sa pagitan naming magkakapatid.

Apat kaming mga anak niya at hindi ko alam kung paano niyang napagpapantay pantay ang distribusyon niya ng pagmamahal niya sa amin. At mas lalong nakakamangha pa dahil ilan sa mga naging kaibigan naming magkakapatid ay naging anak-anakan niya rin. Kaya nagkaroon siya ng isa pang titulo: si Nanay Fanny. Sobrang laki siguro ng puso ni Mama kasi kaya niyang magbahagi ng pagmamahal nang walang pag-iimbot.

image

Ngayon ay kaarawan niya pero di tulad ng ibang tao, wala siyang hinihinging regalo. Para sa kaniya, hindi iyon regalo kung hiningi mo ito. At isa siya sa mga pinakamahirap isipan ng ireregalo dahil wala siyang bakas ng pagkahumaling sa mga materyal na bagay. Pero siya ang pinakamasarap regaluhan dahil punong-puno siya ng pasasalamat. At makikita mo talagang nagustuhan niya ang ibinigay mo dahil talaga namang ituturing niya iyong kayamanan.

Masungit. Mabunganga. Mautos. Maingay. Nakakainis.

Pero...

Simple. Maalalahanin. Mapagpasalamat. Mapagpakumbaba. Maka-Diyos. Masipag. .

At higit sa lahat...

Mapagmahal.

Iyan si Aling Fanny. Si Nanay Fanny. Si Motherdear.

Ang Mama ko.

Maligayang kaarawan sa iyo. Ikaw ang pinakamagandang regalo ng Maykapal sa buhay naming magkakapatid.

Hiling ko ay marami pang kaarawan para sa iyo. Para maging blessing ka pa sa mas marami pang tao.


Lahat ng larawan ay kinuha ko mula sa aking Facebook account liban sa isa na sa aking Flickr account naman hinango (may link itong nakalagay)


Maraming salamat sa pagbabasa!


Pagyamanin ang kakayanan sa pagsusulat ng tagalog na akda. Sundan si @tagalogtrail at makigulo sa Tambayan


Sundan din ang @steemph.manila at tayo ay magkulitan sa Discord


2123526103.gif


QmTbmcA6YxRqpDvTuGs3Vt3CDkjvdJoNZwB4CxeGZEZeEA.jpeg

romeskie.png

Sort:  

Happy Birthday kay Aling Fanny, sa'yong Mother dear! ❤❤❤❤

Thankie thankie! :-)

Maligayang Kaarawan po Aling Fanny!
Paki regards @romeskie.

Thank you @fotografia101.. makakarating. Kaya lang baka irecruit ka niya sa networking. Hahaha

Maligayang bati sa'yo lola Panny sana marami ka pang kaarawan na dumating.

Yung regalo mo raw sa kaniya, sa akin mo na lang daw ibigay. Tumatanggap ako kahit gift cheque @twotripleow.. nyahahaha

Maligayang kaarawan po Aling Fanny. Katulad rin po ni inay,
mabunganga, mautos, maingay pero mapagmahal.
Higit po sa lahat, magaling magluto. Kaya po ako naging sexy dahil kay inay.

Salamat Lingling! Hahaha.. Normal na ata sa mga inay ang maging mabunganga. At talaga namang sexy ka. Lagi mo lang tatanungin si inay mo para sigurado. Hahaha.. lablablab!