Philippine Poetry and Song Contest #1, " ANO NGA BA TALAGA, PAMILYA O SIYA?".

in #wikang-filipino7 years ago

Ano nga ba talaga, Pamilya o Siya?

                             Orihinal na katha ni "Vanessa, @gail2911"


Unang haplos pa lamang ng mga kamay 

Hawak mo na ang buhay sa iyong mga kamay 

Mga ngiting sa puso ay kumakaway 

Naghihilot sa mga lamang umaaray  


Mga iyak mo ay nagbibigay ginhawa 

Lalong-lalo na nang nasa bisig na kita 

Unang tingin pa lamang, buhay ay sayo iaalay 

Pangako iyan ng isang bagong Tatay at Nanay 


 Unang haplos pa lamang ng mga mata 

Hawak mo na ang puso kahit buhay pa 

Mga ngiting sa puso’y nagpapalundag 

Nahilo na ako sa iyong kamandag 

  

Gumuguhit ang saya kapag ika’y nasa harap 

Ang bawat iyak katumbas ay mahigpit na yakap 

Ilang bundok man ng pagsubok ang haharapin 

Pangako ng pusong nanalangin, ako’y sayo at ika’y sa akin 

Hanggang sa walang hanggan kahit pa kanilang hamakin


  Isang sandali lang ay ayaw na ni Nanay 

Ayaw na ni Nanay, ayaw rin ni Tatay 

Ayaw ni Tatay sa hawak na mga kamay 

Mga kamay na sandalan sa bawat aray 

Sa bawat aray na wala si Nanay at Tatay


Wala si Nanay at Tatay pero ang nasa isipan ay ikaw 

Ikaw na mahal na mahal sa araw-araw 

Araw-araw na inilalaan para sa iyo 

Para sa’yo kumakayod hanggang buto 

Hanggang buto na pawis para sa kinabukasan mo 


 Ayoko! Ayaw ko ang iwan siya 

Ang iwan siya ay hindi ko kaya 

Hindi ko kaya dahil mahal ko siya

Mahal ko siya at mahal ako niya   


Paano ang aking pag-aaral? 

Pag-aaral na puno ng mga aral 

Mga aral na alam kong mahalaga 

Mahalaga sa buhay pero siya rin ay mahalaga 


Gaano ba kadami ang binibigay niya sa binibigay ng iyong pamilya? 
Gaano ba kalaki ang pag-ibig niya sa pag-ibig ng iyong pamilya? 
Hindi ikaw siya kaya hindi mo alam
Hindi mo alam dahil hindi rin ikaw ang iyong pamilya 

  Sino nga ba ang mas matimbang diyan sa puso mo? 
Ang tunay na desisyon ay nasa sa iyo 
Hindi mo kailangang pumili kung nahihirapan 
Kailangan lang may unahin at itanong sa isipan

Isa lang Ineng, isa lang sa pagpipilian 
Sino nga ba ang dapat na nasa unahan 
Siya na nasa tuktok na ng inyong hagdanan 
O ang pamilya mong naghihintay sa bukana ng pintuan 


Siya ang tunay na true love mo 

Dalawang pusong nagmamahalan sabi mo 

Ang pangako’y hindi ka niya iiwan 

At di mo rin siya iiwanan   


Pero iba ang true love na totoo 

True love na totoo, bigay ng diyos para sa iyo 

Hindi ka iiwan kahit iyong pakawalan 

Hindi lilingon sa iba kahit may kalayaan  

 

Hindi ka iiwan sapagkat ikay dadamayan 

Dadamayan ka magpakailan pa man 

Magpakailan pa man ayaw sa kalayaan 

Kalayaang iwan ka at humanap ng iba  


  Humanap ng iba ay di niya kaya 

Di niya kaya dahil ikaw lang mahal niya 

Mahal niya talaga kaya hindi na bibitaw pa 

Mahal ka niya kaya siya ang uunawa   



Kaya wag mong sayangin luha mo Ineng 

Ang maging masaya ka ang tangi naming hiling 

Mula sa magulang na hindi magtatagal sa iyong piling 

Sa pag-aaral makapagtapos ka at maabot ang iyong pangarap 

At maging masaya ka sa iyong matagumpay na hinaharap   


Mahirap ang pumili ‘pag nasa sa sitwasyon na 

Utak at Puso’y sinasabi iba-iba 

Kaya sa sulok nagtatanong kung ano ba 

Aking mahal na pamilya o ang pusong umaalala sa kabiyak niya 

  

Siya nga ba na tinatawag ng pusong tumatalon-talon 

O ang pamilya na aking tahanan noon pa man hanggang ngayon 

Ano nga ba talaga, ang makisabay na lamang sa kanyang mga alon 

O makipagsapalaran sa hampas ng panahon? Ano nga ba talaga, pamilya o siya?


ANO NGA BA TALAGA, Pamilya o Siya?
Thank you for reading! Best Luck!
Love, @gail2911